Hindi siya makatulog. Kanina pa pabaling-baling sa higaan. Tinitigan niya ang liwanag na galing sa buwan, animo'y nakikipag-usap dito. Tila humihingi ng kasagutan sa mga bumabagabag sa kaniya.
Pinilit niyang muling ipikit ang mga mata. Ngunit sa bawat pagbaha ng dilim sa kaniyang diwa, ay nanunuot ang lamig ng gabi. Ang ihip ba ng hanging dala ng papalapit na Pasko ang nagdudulot ng ginaw sa kaniyang pagkatao?
Sari-saring isipin ang naglalaro sa kaniyang utak. Pilit niyang iwinawaksi. Sigurado siya. Ang mga isiping ito ang pumupuyat sa kaniya.
Gaga ka talaga! Subukan mong gawin 'yang binabalak mo at makikita mo ang hinahanap mo!
UGH! Napasigaw siya nang bahagya sa tinig ng kaniyang isip na pumipigil sa kaniya kanina pa.
Napakislot si Mel. Bahagyang umungol. Kinamot ang braso.
Dumunggol ang kaunting kaba sa kaniyang dibdib. Akala niya ay nagising si Mel dahil sa kaniyang impit na sigaw. Mataman niyang tinitigan ang katabi. Pinagpiyesta ang kaniyang mga mata sa kapayapaang kaniyang nakikita.
Si Mel. Ang kaniyang matalik na kaibigan nang halos sampung taon na. Si Mel na palangiti. Si Mel na napakarami laging baong kuwento at biro. Si Mel na punumpuno ng buhay. Si Mel na walang inisip kundi ang kabutihan niya.
Bakit niya nagagawang paglihiman?
Ilang beses niyang tinangkang gisingin ang kaibigan. May sampung beses ngayong gabi. May hindi mabilang na pagkakataon sa tuwing nakikitulog ito sa kanila. Napakaduwag niya!
Dahil idinidikta ng lipunan na maging duwag ako. O sadyang ipinanganak akong duwag?
Naiyak siya sa katotohanang sumampal sa kaniya. At tuluyang binalot ng takot ang kaniyang puso. Sa labang ito, pakiramdam niya ay wala siyang matatakbuhan. At si Mel... Si Mel na halos sampung taon na niyang tagapagtanggol ay maaaring hindi na kumampi ngayon sa kaniya...
At tuluyang mawala...
Napalakas ang kaniyang pagluha... Pupungas-pungas na bumangon si Mel at bahagyang nagulat sa nakitang pag-iyak niya.
O, Lyn... bakit?! Ano'ng problema?
Walang boses na lumabas mula sa bibig niya. Bagkus ay napuno ang buong silid ng kaniyang takot na panaghoy.
May kalahating oras din yata silang nagyakap. Ramdam na ramdam niya ang mapagkalingang init na nagmumula sa mga bisig ni Mel.
Patawarin mo'ko, Mel... Patawad...Hindi ko ito pinlano... Nangyari nang kusa. Naramdaman ko nang bigla...
Dahan-dahang iniangat ni Mel ang kaniyang luhaang mukha. Ayaw niyang tumingin sa mga mata ng kaibigan. Ipinikit niya ang basang-basang mga mata. Nahihiya siya... Natatakot... Naduduwag sa katotohanang maaari niyang masalamin sa mga mata ng kaibigan... Nanlamig siya... Hanggang halos mamanhid ang kaniyang buong katawan...
Ngunit ano itong init na naramdaman niya? Napakislot siya. At sa pagmumulat ng kaniyang mga mata, nasilayan niya ang kagandahang matagal na niyang iniingatan sa kaniyang puso... buong pagmamahal siyang ginagawaran ng isang napakatamis na halik.
Wag kang matakot, Lyn... Sabay nating harapin ang kinabukasang naghihintay sa'tin. Humawak ka sa'kin. Hawakan mo ako nang mahigpit. At 'wag kang bibitaw. 'Wag kang mangamba. Mula noon hanggang sa susunod na mga gabi at muling pagsikat ng araw, kakampi mo ako...