Hiling
Tumayo s’ya at binuksan ang bintana. Bumati sa kaniya ang nagyeyelong simoy ng hangin na kakambal ng delubyong magdamag na hindi nagpatulog sa kaniya. Ngunit kakaibang init ang kaniyang naramdaman sa pagdampi ng hangin sa kaniyang mga pisngi. Napakislot pa siya sa tila paghalik ng Habagat sa kaniyang mga labi…
“Kailan ko kaya mahahaplos ang kaniyang maamong mukha tulad ng isang mapaglarong hangin ng katatapos na ulan? Kailan ko kaya maipadarama sa kaniya ang init ng aking nag-aalab na damdamin sa kabila ng lamig ng magdamag na unos?
Napatingala siya . Mapula ang kalangitan. At sa ‘di kalayuan ay nagbabadya na ang pagsilip ni Haring Araw.
Napapikit siya.
“Sana sa susunod na pagliliwanag ng langit, mga ngiti mo na ang mamulatan ko. Sana sa mga panahong ako’y binabagabag ng mga alinlangan, ang init na ng ‘yong mga labi ang siyang humaplos sa aking pagkatao…”
Bumalik na siya sa kaniyang higaan. Itinabing sa katawan ang makapal na kumot na animo’y naging kaniyang kanlungan. Sa mga pangarap, kasama ng kaniyang tunay na minamahal, maligaya siyang mahihimlay. Baon sa kaniyang panaginip ang pag-asa ng isang mapayapang bukang-liwayway.
***
Maligayang kaarawan : )
Sana nga'y kaya nating hilahin ang araw sa mga kalendaryo... upang mapabilis ang pagdating ng umagang kay tagal na nating hinihintay.