walang lihim na hindi nabubunyag.
marahil tama nga ang kasabihang 'yan. o malamang, dahil na rin hindi ko naman talaga itinago sa kanila ang katotohanan.
bulaklak. cake. stuffed toy. pabango. damit. sapatos. paano nga bang hindi iisipin nina Mama at Papa na may "espesyal" na relasyon sa pagitan naming dalawa kung regular akong pinadadalhan ng isang taong kontinente ang pagitan sa akin? sino nga ba namang nasa matinong pag-iisip ang hindi mag-iisip ng malisya kung halos gabi-gabi na lang ay may long distance call para sakin? lahat galing sa kapuwa ko babae.
naalala ko nung una kong ipakita sa magulang ko ang mga larawan na galing sa "kaniya". NR (no reaction) ang nanay ko. ang tatay ko naman, isang "guwapo ah"-sabay-hagikhik ang pinakawalan. sabay pahabol ng, "babae ba 'yan? babae 'yan diba?" na dinugtungan pa ng pinsan ko ng, "parang tomboy naman 'yan!"
ang sagot ko? "tomboy nga" sabay tawa :))
alam kong alam na nila 'yun. sabi ko pa nga sa mga kaibigan kong nagtatanong, "matatanda na 'yung mga 'yun noh. malamang alam na nila. pero never naming pinag-uusapan. never din naman nila ako tinanong." mga karaniwan ding salita na maririnig mo mula sa isang "out but not so out" na lesbianang katulad ko. kung ano ang ibig sabihin ng "out but not so out" (naimbento ko), 'yun 'yung mga tipo na kahit kailan ay hindi umamin nang diretsa sa magulang nila pero alam nilang alam naman ng mga magulang nila. ang press release ko dati kina Mama at Papa, nanliligaw pa lang. pero sigurado nga akong alam na nila 'yun.
nasa kolehiyo pa lang ako noong unang beses akong mahiritan ng tatay ko tungkol sa pagiging lesbyana. nakakatawa nga kasi hindi pa naman ako "nambababae" ng mga panahong 'yun. pinag-uusapan kasi namin ang tungkol sa panliligaw. sabi nya, wag daw ako paliligaw sa daan. mas maganda raw kung dadalhin ko sa bahay (tulad ng karaniwan na ring sasabihin ng iba pang mga magulang) pero nagulat ako nang biglang humirit nang, "pero ang pagkakaalam ko dito kay Summer, tomboy eh." toink! nawindang ang byuti ko. pero mas nawindang ako sa sumunod na sinabi nya, "pero mas ok na nga yun eh. para mag-uwi na lang kayo ng mga babae dito." kaloka ang tatay ko!
at hindi iyon ang huling hirit ng tatay ko.
habang tinitingnan (ulit) ang isang picture ng ex ko, "mukha naman 'tong buksingero. hindi ka kaya bugbugin nito?" (ngisi-ngisi) "basta ba wag kang sasaktan eh, ok lang..."
habang nagkukuwentuhan kami isang sabado ng hapon sa tapat ng tindahan namin, kasama ang ilang kamag-anak (nakalimutan ko na kung ano ang topic at kung bakit napunta sa ex ko ang kuwentuhan), "sabagay, guwapo naman. mukhang lalaki nga lang talaga. yung si *** (ka-on ng nakababata kong kapatid na babae) maganda rin 'yun eh. mahaba nga lang ang buhok."
sabay tanong ng, "tomboy rin ba yung si ***? kapag kasi andito yun sa bahay nakikita ko sila ni G** (kapatid ko), nagkukurutan eh" na sinagot ko ng, "oo, tomboy rin 'yun noh." hala, sige! ibuking ko rin daw ba ang kapatid ko.
sa isang kuwentuhan ulit, "naku, paano ba ako nito magkakaapo... mga anak ko, puro tomboy!" toink! muntik na akong mabilaukan.
isang beses pa, kinuwento sakin ng kapatid ko na tanong daw ng tanong si Papa kung tomboy 'yung isang kaibigan ko na pumupunta sa bahay noon (na tomboy nga naman talaga pero hindi naman masyadong halata). bakit nga ba nya iisiping lahat na lang ng babaeng pupunta sa bahay ay tomboy???
nagtapat na rin ako sa isa kong pinsan. si Ate Jen, simula't sapul ang pinakamalapit saking kamag-anak. dati kasi siyang natira sa bahay. at alam ko, hindi niya ako itatakwil kahit na ano pa. alam kong "cool" lang siya sa mga ganung bagay. natawa nga ako nung una akong umamin sa kanya kasi bigla ring nagkuwento na may nanligaw rin daw sa kanyang tomboy dati. buhay nga naman.
kahit kailan, hindi rin naman ako direktang tinanong ng mga magulang ko tungkol sa bagay na 'yun. hindi ko alam kung dahil ba keber lang talaga sila o natatakot silang harapin ang katotohanan. nakakatakot nga ba talagang magkaanak ng tomboy o ng bakla?
kahit kailan, hindi rin naman ako direktang umamin. hanggang sa magkahiwalay kami ng karelasyon ko noon na nasa ibang bansa....
makalipas ang halos isang buwan na walang tawag mula sa ex ko, isang araw ay biglang nagtanong ang nanay ko, "bakit parang hindi na tumatawag si R***?" gusto ko na namang mabilaukan. pero parang kinurot ang puso ko ng mga oras na 'yun. ganunpaman, ayokong mahalata ni Mama ang totoo kong nararamdaman. sumagot na lang ako ng, "magkagalit kami eh. galit sakin." "bakit galit sayo?" "ang daming pinagseselosan hehe" tumawa lang din nanay ko. ang hindi niya alam, umiiyak ang puso ko ng mga oras na 'yun (naks, ang drama!)
pero hindi 'yun ang huling pang-uurirat tungkol kay R***. isang araw, nagulat na naman ako nang tatay ko naman ang magtanong ng tanong na 'yun. "kumusta na si R***? bakit hindi na 'ata tumatawag?" na sinagot ko nang, "BREAK na kami!" sabay ngiti. ngumiti lang din ang tatay ko.
iyon na bale ang direct pero indirect na pag-amin na ginawa ko. hindi naman ako inurirat kahit kailan pagkatapos nun. hanggang isang araw eh dumating ang pinsan ng nanay ko. inuurirat ang tungkol kay R***. sinabi kong break na kami. ang alam ko, press release ko rin sa kanya dati eh nanliligaw lang ang ex ko. pero keber nako noon kung ano pa isipin nya. tutal, mabait din naman itong tita ko na 'to at kasundo ko sa maraming bagay at kalokohan.
"alam naman na ni Mama mo eh." nandilat ang mga mata ko. "talaga? pano daw niya nalaman?" "syempre alam na nya 'yun." "ah, talaga? hehe" "si Papa mo alam na rin pero hindi pa siya sigurado." dini-deny daw ni Mama kay Papa kapag nagungulit si Papa tungkol dun. ano nga ba naman talaga ang aaminin ng nanay ko kung kahit siya eh duda rin sa kung ano talaga ang katotohanan? hay... mahirap talagang magpalaki ng magulang.
hindi kami perpektong pamilya. hindi sila ang tipong "ideal" na magulang (hindi rin naman ako "ideal" na anak). pero malaki ang pasasalamat ko sa kanila na kahit kailan ay hindi nila ako diniktahan tungkol sa mga desisyon ko sa buhay, lalung-lalo na sa kung ano ang dapat na itibok ng puso ko. at dahil dun, ipinagmamalaki ko sila.
*kelan lang ay umamin na rin ako sa kapatid ko. hinihintay ko na lang din na umamin siya sakin : )