Bala
Maka-ilang ulit din niyang binago ang treatment ng istoryang isu-shoot niya bukas. Pasaway kasing mga kausap yung mga kausap nila ng researcher niya. Papalit-palit ng desisyon. Masakit na ang ulo niya. Masakit na masakit. Umiikot na paminsan-minsan ang kaniyang paningin dulot nang kalahating araw na pagkababad ng mga mata niya sa harap ng monitor ng computer. Dumadaing na rin ang kalamnan niya sa paa. Oo, nakaupo lang naman siya halos maghapon, pero nanuot yata nang husto ang lamig na ibinubuga ng airconditioning ng opisina. Naninigas na rin ang daliri niya sa kanang kamay. Pakiramdam niyan magkaka-carpal tunnel syndrome na siya. Sosyal! Kung anu-anong sakit na ang iniisip. Pero ang leeg at balikat niya, masakit na rin talaga!
Sana andito siya para makasama ko sa tanghalian. Hindi sana ako nalilipasan ng gutom dahil lang sa wala akong kasabay sa pagkain. Sana andito siya para sumundo sakin sa trabaho. Sabay din kaming kakain ng hapunan sa isang restaurant. Pareho na kasi kaming pagod para magluto pa siya sa bahay (Hindi naman pwedeng ako ang magluto dahil bukod sa pagod na pagod na nga ako eh hindi talaga ako marunong magluto. Hehe!)
Sana andito siya para sa pag-uwi namin sa bahay eh may magmamasahe sa nanlalata kong katawan. Hindi na kailangang kasing-galing pa ng mga masahista sa spa. Ang mahalaga ay nararamdaman ko ang bawat haplos niya. Ang mainit niyang mga palad bunga ng pagmamahal namin sa isa't isa. Sapat na 'yun para mapawi lahat ng pagod. Sapat na ang mga ngiti niya para maalis ang mga sakit na nararamdaman sa katawan. Sapat na ang isang halik para magkaroon ako ng lakas.
Umalingawngaw sa kaniyang isipan ang isa sa kaniyang paboritong awitin. Hindi na kailangan ang casette o cd player para lang manamnam niya ang kanta.
At tumalon na tayo sa bangin
Sigurado siya... Sa sandaling dumating na ang pagkakataong magkasama sila ng kaniyang mahal, wala ng kahit na anong sakit na kaniyang iindahin.
*I'm just here bebekoi, patiently waiting for your homecoming...