bagong taon
ito na ang pinakamalungkot na Pasko at Bagong Taon na nagdaan sa buhay ko. ito na rin ang pinakaproblemado (thus, pinakamalungkot na rin) na taon sa buong dalawampung taon na inilalagi ko dito sa mundo. feeling ko, talo ko pa ang mga local telenovelas sa kuwento ng buhay ko. hindi nga lang ako katulad ng mga karakter na ginampanan ni Judy Ann noon - api, hindi lumalaban, mabait, parang santa. kasi po, ako ang bidang matigas ang ulo, pasaway, palaban, at malayung-malayong sambahin. hindi rin happy ending ang kuwento ko. sadly, puro drama lang, walang feel-good ending. walang pamilyang muling pinagtagpo, walang dating alilang naging prinsesa, at higit sa lahat, walang prince charming sa ending (for one, hindi naman ako naghahanap ng PRINCE!). well, lalo naman kasing hindi fairy tale ang buhay ko.
minsan, naiinggit ako sa mga kuwentong isinusulat ko para sa tv. sana lang, katulad ng mga segments ko, pwede kong kontrolin ang magiging takbo ng kuwento... sana ay may executive producer na tumutulong sakin para mapaganda ang treatment ng buhay ko... sana ay may production unit manager na nagdo-double check pa... sana ay pwede kong i-type sa pc ang kwento ng buhay ko para pwedeng i-edit kapag may wrong spelling o kapag gusto kong i-rephrase ang mga sentence... sana may cameraman ako para maganda ang mga shots... sana may take two, take three, take four, at take to the infinity hangga't hindi maganda ang pagkakadeliver ng mga linya... sana may may editor na tutulong sakin para tama ang mga video na pinipili ko... sana may graphix artist para makulay, makinang, at magical ang look... sana pwede ring i-edit sa avid para mas swabe ang mga transitions, para malagyan ng special effects... sana may musical scorer para mas may buhay ang aking buhay... sana may forward, rewind, fast-mo, at slow-mo... sana... sana... pero wala.
bakit nga ba kulang na lang ay isumpa ko ang pagdaan ng taon na ito?
una, dalawang itinuturing kong kaibigan ang sumaksak sa likod ko... iniwan ako ng isang taong minahal ko nang totoo, ang taong pinangarap kong makasama hanggang sa pagtanda... at ngayon, alam kong sama ng loob at galit lamang ang iniuukol sakin ng taong ito (ano pa nga ba ang mas sasakit pa sa pangyayaring kamuhian ka ng taong mahal na mahal mo?)... nakumpirma ko na ang isang katotohanan na matagal ko nang iniiwasang harapin -- isa sa magulang ko ay hindi naging tapat... at patuloy na hindi nagiging tapat... muntik na akong umalis sa GMA at tuluyan na sanang lumipad palayo sakin ang mga pangarap ko... kung anu-anong sakit na rin ang dumapo sakin ngayon, mga sakit na inihatid sakin ng depresyong pinagdaanan ko... lumayas ako sa amin dahil lalo kong napatunayan ngayon na hindi talaga ako pinahahalagahan ng mga taong dapat sana'y tinatakbuhan ko ngayon, sa mga panahong kailangan ko ng mga maiinit na yakap... ng mga mapagkalingang haplos... ng pagmamahal....
alam kong marami ring biyayang dumating sa akin ngayon. at hindi ko isinasawalang-bahala ang mga iyon. pero kahit anong pilit kong maging masaya, lagi na lamang akong iginugupo ng lungkot.
mahigit isang linggo din akong gabi-gabi umiiyak ilang araw bago mag-bagong taon hanggang sa makaraan ito. ilang gabi na namang nahilam sa luha ang mga mata ko. dumadating pa sa puntong halos hindi nako makahinga.
ayoko na... pagod nako...
sana nga ay isa lamang palabas sa tv ang buhay ko... para pwede kong ilipat ng channel kapag hindi na maganda ang takbo ng mga pangyayari. o di kaya ay lagyan na ng tuldok ang script at gawing happy ang ending.
sana sa bagong taong dumating ngayon, mag-iba na ang title at takbo ng programa ng buhay ko.
2 Comments:
hindi ka naman nag-iisa
anonymous: thanks... i know marami namang tao na handa akong damayan. minsan nga lang, hindi ko maiwasang malungkot. ang hirap eh.
temporary madness: salamas mareh! yun na nga lang nagpapasaya sakin eh -- yung fact na maganda ako mayaman! bwahahaha!!!
Post a Comment
<< Home